Chill Lang, ‘Chong! Karapat-Dapat Bang Magreact Ng Bonggang Bongga Sa Mga Isyu Sa Tabi-Tabi? | iSavta
Supreme Court Decision about Deposit Funds (PIKADON) Supreme Court Decision about Deposit Funds (PIKADON)
Supreme Court Decision about Deposit Funds (PIKADON) Supreme Court Decision about Deposit Funds (PIKADON)
Chill Lang, ‘Chong! Karapat-Dapat Bang Magreact Ng Bonggang Bongga Sa Mga Isyu Sa Tabi-Tabi?

Ang Pilipinas ay bansa ng mga taong talagang nakakabilib: Madali para sa atin makapag-adapt sa iba-ibang bayan kung saan tayo napapadpad sa kagustuhang mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang mga pamilya natin. Kahanga-hanga na mabilis nating natututunan ang wika at kultura ng ibayong bansa na napipili natin sa hangad na makakapaghanapbuhay ng marangal. 

Isa ring kahanga-hangang katangian ng Pilipino ang galing at talino sa paghahayag ng sariling opinyon. Kapansin-pansin para sa mga dayuhan na hilig talaga ng Pilipino ang magbigay ng sariling kuro-kuro o pahayag sa kung ano mang isyu ang patok, maging sa Internet o sa traditional tri-media (dyaryo, TV, o radyo). Dahil dito, may mga dayuhan na sinamantala ang ganitong katangian ng Pilipino. Kung nabasa nyo nung isang taon, may mga Travel Blogger galing Poland na gumawa ng blog na namimintas ng pagkaing Pinoy. Maraming ibang blogger, maging dayuhan, ang nagpahayag ng opinyon na baka nga sinamantala ng bloggers na ito ang pagiging reactive ng Pinoy, at sadyang pinintasan ang pagkaing Pinoy para lamang maka-kamit ng matindihang traffic at reaction sa kanilang naisulat na blog. 

Ang nailathalang blog na ito ng mga Polish Travel Bloggers ay naka-kamit nga ng mainit at kontrobersyal na reaksyon mula sa mga Pinoy at maging ng mga dayuhan. Sa katunayan, mayroong American Travel Blogger nga na naglathala rin ng sarili niyang blog, sa kagustuhang maitama ang opinyon nung Polish Travel Blogger. Naging epektibong pagtatanggol ito ng pagkaing Pinoy, at natuwa naman ang mga kababayan natin na may nagmagandang-loob na ipagtanggol tayo sa larangang internasyonal. 

Subalit, ang isyu na ito ay patunay lamang sa isang katotohanang dapat nating harapin: Tayo ay isang bansa ng mga napaka-reactive na mga nilalang. Minsan, kailangan din nating ibalanse ito.

Bukod sa isyung ito, marami-rami na ring isyu ang napagdaanan ng mga Pilipinong mahilig mag-Internet. Ang isyu ni Malu Fernandez, kung saan pinintasan niya ang amoy ng mga OFW na kasama niya sa eroplano pauwi, ay naka-kamit din ng matindihang reaksyon mula sa mga kapwa Pilipino. Ang isyu ng isang mapagpintas na “American” na dating Pinoy, si “Nasty,” na inilathala ni Dero Pedero sa Philippine Star, ay nakapagsimula rin ng lumalagablab na reaksyon mula sa mga Pinoy, maging taga-Pilipinas man o lumipat na sa ibang bansa. At ang pinaka-latest na isyu kung saan maraming Pinoy din ang nag-react, ay yung issue ng paglalarawan ng kasal ni Dingdong Dantes at Marian Rivera-Dantes bilang “Royal Wedding.”

Sa lahat ng ito, ang tanong na dapat nating harapin: Karapat-dapat bang makigulo tayo sa isyu? Talagang palatandaan ba ng pagiging walang pakialam kung mananahimik na lang tayo? 

Sa katotohanan, hindi lahat ng opinyon natin ay nakabubuting ihayag. Sa laki ng Internet, at sa dami ng taong pwede gumawa ng sariling kuro-kuro, parang pagtaya sa Lotto na rin ang possibilidad na mabasa ang komentong magagawa natin sa mga maiinit na post sa Internet. Kung mapagtatanto natin ang katotohanang ito, matanong nga natin sa sarli natin kung mahalaga ba talaga na mai-post natin ang ating komento sa mga isyung nagsisilabasan sa Internet? 

“Think before you click” ang isang campaign na ginawa ng GMA News Network, sa kagustuhang mag-isip-isip muna ang Pinoy bago magreact, at bago makasakit sa paghahayag ng ating mga opinyon. Kung pag-iisipan natin ang linyang ito, tama nga: Kailangan nating pag-isipan kung tama nga bang mag-aksaya ng panahon sa paghahayag ng ating mga naiisip. 

Sa aming opinyon, may dalawang Life Lesson ang kailangan nating matututunan mula sa pangyayaring ito.

Bilang Pinoy, sana matuto tayo na hindi lahat ng isyu ay kailangan nating patulan. Gaya ng nasabi na namin, hindi naman siguradong maipaparating natin sa tamang kinauukulan ang ating opinyon kung pinopost natin ang mga comment natin bilang reaksyon sa mga post sa Internet. Minsan, kailangan din nating itanong sa ating mga sarili kung mahalaga ba talagang maipahayag natin ang ating opinyon? O kagustuhan lang nating marinig o maging sikat kung may mga makakabasa, magsasang-ayon, at maging hahanga sa nailathala nating opinyon? 

Kung hindi talaga “kaya ng powers” na tumahimik, mas maigeng gumawa ng sariling blog para maipahayag ang sarili nating opinyon. Sa sariling blog, tayo ang namamahala kung anong klaseng opinyon ang ipapahayag at ipapa-publish natin. Sa sariling blog, maiiwasang makasakit o makainsulto ng ibang tao, dahil ito ay pag-aari natin. Kung nararamdaman nating kailangang makaabot sa mga kinauukulang opisyal, siguro mas maigeng gamitin ang energy o kagustuhan nating maipahayag ang opinyon natin sa pagsulat sa nauukulang mga opisyal ng gobyerno. 

Kung kailangang maiparating sa konsehal, kongresista, ambassador, o sa embassy, mas maigeng sumulat ng diretsahan sa mga ahensiyang ito, kesa sa magpasikat sa Internet.

Masakit mang basahin, pero karamihan sa atin ay mahilig magpahayag ng ating mga opinyon sa Internet sa kagustuhang sumikat, kahit sandali. Meron ring pilit magpahayag ng opinyon gawa ng nadadala ng matinding emosyon. Nararamdaman ng mga readers na ito na kung hindi nila maipapahayag ang kanilang opinyon, sasabog ang kanilang dibdib. 

Ngunit, kung gawin nating practice, lifestyle, o habit ang huminga ng malalim at kalimutan ang isyu sa abot ng makakaya natin, baka sakaling mawawala rin ang kagustuhan nating magreact sa isyu. Subukan nating kalimutan ang isyu one day at a time. Kapag tagumpay tayo sa ating pagpupursigeng makalimutan ang isyu ng isang araw, ipursige nating makalimutan ang isyu ng isa pang araw. At isa pang araw. Lingid sa kaalaman natin, lilipas na ang isang buong linggo, sunod, isang buong buwan, at di na tayo nagreact sa isyu. 

Ang pagiging “no comment” sa isyu ay makakatulong sa pagkakaroon natin ng “Peace Of Mind.” Walang mang-aaway sa atin kung di sila sang-ayon sa ating pahayag sa isyu, walang “bad vibes,” at di masasaktan ang ating kalooban dahil hindi naman tayo nagpost ng sarili nating pahayag. Kung mahalaga sa atin ang katahimikan, mas pipiliin nating manahimik kesa sa gumawa ng bagay na maglalagay sa atin sa isang kalagayang mas makakagulo lamang. 

***

Bilang Pinoy, sana matututunan nating mahalin ang sariling bayan. Kung napapansin ninyo, ang mga Pilipino ay mahilig mamintas sa sariling bansa, sa kapwa Pilipino. Sana maitanong natin sa sari-sarili natin kung nakakatulong ba talaga ang pamimintas sa ating bansa. Makakamit ba natin ang kaunlarang inaasam-asam natin sa pamamagitan ng pamimintas ng ating Inang Bayan? 

Sa halip, matuto sana tayong magdasal at magsalita ng mga bagay na nakaka-encourage, sa halip na nakaka-discourage. Matuto tayo na purihin kung ano ang magaganda sa bansa natin, at sa mga kababayan natin. Ika nga ng mga inspirational na babasahin, mga inspirational na mga speaker, pati na rin ng mga babasahin at mga speaker na spiritual, “Speak Life.” 

Kapag matututunan nating magdasal at mag “Speak Life” para sa bansa natin, magugulat na lang tayo na ang mga pagbabagong ating inaasam-asam ay nakamit na natin. Iyon ang kapangyarihan ng pagbebless ng ating bayan. 

***

Ika nga sa Bibliya, “In the same way, the tongue is a small thing that makes grand speeches. But a tiny spark can set a great forest on fire.” – James 3:5, NLT. Sa Filipino, “Gayundin naman ang dila. Ito ay isang maliit na bahagi ng katawan ngunit nagyayabang ng mga dakilang bagay. Narito, ang maliit na apoy ay nagpapaliyab ng malalaking kahoy.” – Santiago 3:5, SND.

Kapag magngilay-ngilay tayo at pag-iisipan ang kakayahan ng dilang sirain ang mga buhay ng mga tao sa pamamagitan ng chismis, maging ang pagsasalita ng mga bagay na nakakadismaya, lalo na sa mga kabataan, mapagtatanto natin kung gaano nga katindi ang kayang gawin ng dila ng tao. Kaya’t pag-isipan natin kung ano ang mga bagay-bagay na bibigyan natin ng ating mga opinyon. Pag-isipan natin kung nakakabuti ang mga nasasambit natin, o nakakasama sila. Sana, at the end of the day, pipiliin nating mag build-up ng kapwa at ng bansa natin, hindi mag tear down. 

“A wise [person] builds their home, but a foolish [person] tears it down with their own hands.” – Proverbs 14:1, NLT

“Ang matalinong [tao] ay nagtatatag ng kanyang bahay, ngunit winawasak ng isang mangmang ang sariling tahanan.” – Mga Kawikaan 14:1, MBB05

Get our newsletter

Stay in touch! Get the latest posts and professional updates